Friday, July 5, 2013

The Two Points That Can Never Make a Line

Hinanap ko ang aking notes sa Math 14 upang maipahiram. Binuklat ko ang mga ito upang suriin kung kumpleto ang mga detalyeng nakalagay. Kumpleto naman, ngunit tila may sobra pa ata…sa isang sulok ng pahina ng aking filler ay nakita ko ang “sobra” na ito. Ito ay isang pangungusap.

Heto siya:
“We are two points that can never make a line.”

Ang taon ay 2011 nang kinuha ko ang Math 14…2013 na ngayon. Halos dalawang taon na pala ang nakakaraan. Ang bilis ng oras. Hindi ko akalain na may nasulat akong ganung klaseng pangungusap sa isang pahina ng aking filler na punung-puno ng mga teknikal na bagay. Hindi naman sa sinasabi ko na walang kinalaman sa Math ang pangungusap na ito (isang pangkaraniwang konsepto sa geometry na ang dalawang points ay maaring makabuo ng isang linya kung sila ay pagkokonektahin), ngunit, kung titignan mo ang pangungusap, sa paraan na ginamit ay humigit sa malamang na hindi kapupunahan na ito ay may kinalaman sa Math.

Nang mabasa ko ang pangungusap, doon nagsimulang kumalat sa aking isipan ang nakaraan. Doon nagsimulang tumakbo ang mga ala-alang muling nanariwa sa aking isip. Doon ko siya muling nakita. Ayun siya, isa sa mga pinakamagandang babaeng nakita ko sa aking buhay. Sa tuwing tumitingin ako sa kanya, hindi ko maiwasang mapangiti. Hindi ko maiwasang maging masaya sa saglit na iyon na nasulyapan ko ang kanyang magandang mukha. Ayun siya, noong nag-top siya sa exam na mas lalo pang nagpahanga sa akin. Hindi lang pala siya maganda, matalino rin. Ayun siya, ngunit hindi ko alam ang kanyang pangalan. Ayun siya, ilang metro lang ang aming pagitan ngunit parang ang layo-layo parin ng agwat ko sa kanya. Magmumukhang hindi isang pagmamalabis ang tanyag na linyang “langit siya at lupa ako.” Ayun siya at nandito ako, hindi niya napapansin. Ayun siya, halos dalawang taon ang nakaraan… Ayun siya, ang pangalawang point sa aking pangungusap.

“We are two points that can never make a line.”

Bow.



Wednesday, May 29, 2013

Kuwentong Kabangagan


          Habang ako'y nagbubusy-bisihan sa aking desk ay kinausap ako ng aking roommate.

Roommate: It's Saturday evening, WHAT are you doing?
Me: Studying. hehe...
Roommate: Okay, that's fun...

          Makalipas ang mga limang minuto, bigla akong tumayo. Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko lang na may kailangan akong gawin kaya ako tumayo. Nagsimula akong maglakad sa kuwarto at hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isip at bigla ko nalang pinatay ang ilaw. Binuksan ko naman agad ito nang matauhang pinatay ko ang ilaw ng walang dahilan; sabay tanong sa aking sarili, "anak ng tinola, bakit ko nga ba nagawa yun?" Nang humarap ako sa aking roommate ay binigyan niya ako ng mapanuring tingin sabay sabing, "mukha kang bangag."

          Sa isip ko: "oo nga, sa tingin ko nga."

Thursday, April 11, 2013

Magsalita nang may Boses

          Napakahaba ng pila kanina para sa kuhaan ng form5/form5a at mahigit isang oras narin akong nakatayo nang may kuyang bigla nalang tumayo sa aking harapan at nagproklamang kanya raw ang pwesto na iyon. Hindi ako nakapagsalita nung una dahil nahihiya ako. Ilang saglit lang ay may kakaiba akong naramdaman. Napansin ko na lamang na bahagyang nanginginig na pala ang aking katawan-- hindi dahil sa galit kundi sa dahil "hiya" habang iniipon ko sa aking loob ang pakiramdam na "may mali" ngunit hindi ko masabi na mayroon dahil sa lecheng "hiya" na yan. 

          Oo, may mali. Siningitan niya ako. Hindi lang ako, pati narin ang mga taong nasa likod ko na matagal naring naghihintay... Patuloy na nanginig ang aking katawan dahil alam kong may mali ngunit wala akong ginagawa upang itama ang maling iyon. Hindi ako umimik hanggang sa puntong hindi ko na kinaya ang bigat ng maling pakiramdam sa aking loob. Nilabanan ko ang aking hiya at ako'y nagsimula nang magsalita. Sa puntong iyon ay wala na akong pakialam kahit na siya ay mas matanda sa akin at mas maraming karanasan. Alam kong may mali at kailangan ko na itong ilabas.


"Kuya, sigurado po ba kayong dito kayo nakapila?"

"Oo, may sinabi lang ako dun sa harap... bumalik lang ako."

(Grabe, isang oras mong sinabi yun?)

"Ganito po kasi eh, kanina ko pa po nasa harapan si ate eh (yung nasa harap ko). Tsaka nandun pa po sa dulo yung pila (tinuro ko yung 'totoong' dulo ng pila). Baka nagkamali lang po kayo?"


          Pinanatili kong kalmado ang tono ng aking pananalita kahit nanginginig ang aking buong katawan habang nakikipag-usap sa kanya. Kung may gusto man akong patunguhan sa aking mga sinabi paniguradong hindi iyon away.


"Ah ganun ba, sige bukas nalang ako pipila." Sabi niya at siya'y umalis.


          "Buti nalang", ang nasabi ko nalang sa sarili. Nang mangyari yun, para akong nabunutan ng tinik sa puso. Maaring para sa iba ay napakasimpleng bagay lang ng pakikipag-usap sa tao ngunit para sa akin ay sobrang nasayahan ako sa aking ginawa. Hindi ko lang nakuha ang pwestong dapat sa akin, nagawa ko ring "magsalita nang may boses" na hindi ko inakalang kakayanin ko pala. Ang saya lang sa pakiramdam. :)


Thursday, March 28, 2013

The Allison Logic


Noong nakaraang taon, may napulot akong isang kakaibang kaisipan ukol sa pagtingin ng isang estudyante sa mga subjects sa kolehiyo na maaaring makapagbago ng kaniyang pananaw  sa mga bagay na ito na unti-unting sumusunog ng kaniyang kilay. Ito ay ang Allison Logic. Ito ay hango sa pangalang Allison Avellanosa na siyang nag-introduce ng kaisipang ito. Siya ang aking room mate.
Upang mas malinaw kong maipaliwanag kung ano ang Allison Logic ay dapat kong ikuwento kung paano ito nagsimula... Tatlo kaming mag-roomates sa isang paupahan na kuwarto: Ako, si Kuya Jeff, at si Kuya Allison. Nag-aaral ako noon para sa aking exam kinabukasan nang yayain ako ni Kuya Allison maglaro ng DOTA kasama si Kuya Jeff. Ipinaliwanag ko agad sa kaniya ang aking sitwasyon— na may exam ako kinabukasan. Tinanong niya kung ano aking exam kinabukasan, ang sagot ko ay “SpeechCom (SPCM).” Nagulat nalang ako nang bigla niyang sinabi na:  “GE????! It’s like an appetizer; it’s okay if you don’t eat them.” Hanggang ngayon ay hindi ko parin makalimutan ang linya niyang iyon. Nakuha ko ang gusto niyang iparating— na okay lang na hindi seryosohin ang mga GE na kurso, ngunit hindi ito ang Allison Logic.
Ano nga ba talaga ang Allison Logic? Makikita sa unang nabasa na inihalintulad ni Kuya Allison ang GE subject sa isang kategorya ng pagkain: isang appetizer… Hayaan niyong ibahagi ko ang pangalawang parte ng kuwento kung paano ito nagsimula upang tuluyan nang mabigyang kahulugan ang kaisipang ito…
Ibinahagi ko ang engkwentro namin ni Kuya Allison sa mga kaibigan ko sa kabilang kuwarto at natawa sila sa ginawang pagkukumpara ni Kuya Allison ng isang subject sa isang pagkain. Doon nagsimula ang lahat. Sa mga sumunod na araw, sa tuwing kakain kami ay hindi na namin matanggal sa aming isip ang ginawang pagkukumpara ni Kuya Allison ng subject sa pagkain kaya naman nakagawa narin kami ng sari-sariling paghahalintulad. Halimbawa: ang katumbas ng PE sa pagkain ay asin; ang NSTP naman ay ketchup; ang GE ay toyo-mansi; habang ang STAT 1 naman ay isang meal ng Big Belly’s.
Ngayon, ang tunay na depinisyon ng Allison logic: ang paghahalintulad ng mga subject sa pagkain base sa kung gaano ito kabigat—ang mas mabigat na subject ay katumbas ng mas mabigat na pagkain.
Kung ating titignan, isang diskriminasyon ang ginagawa ng Allison logic sa mga subject na maaaring magpababa ng tingin ng isang estudyante sa mga ito at maari ring humantong sa sitwasyon kung saan ang mga estudyante ay magkaroon na ng delingkwenteng pananaw tungo rito. Sa kabilang banda ang Allison logic ay maaring makapagbigay ito ng magandang epektong sikolohiya kung saan gagaan ang pagtingin ng mga estudyante sa mga makapagsunog-kilay na mga subjects sa pamamagitan ng paghahalintulad ng mga ito sa mga mabibigat ngunit masasarap na pagkain. Nagagawa nitong kahit papano maging katuwa-tuwa ang mga nakakatakot na mga subjects sa pamamagitan pagbawas sa mga ito bilang isang pagkain.
                Halimbawa ng isang engkuwentrong nagamitan ng Allison logic:
Estudyante 1: “Grabe, ang hirap ng exam ko bukas… Eng 1!”
Estudyante 2: “Wala yan, toyo lang yan, kaya mo yan!”
Estudyante 1: “Oo nga! Toyo lang ‘to. Kayang-kaya inumin!
Estudyante 2: “Oo, kaya mag-aral ka na nang hindi mo matabig yang toyo mo!”
                Ito ang dalawang magkasalungat na pananaw na nakapalibot sa Allison logic. Ngayon nakakatulong nga ba ito sa pag-aaral o isa nga ba itong daan tungo sa delingkuwensiya?

Monday, October 22, 2012

Hindi


“Hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda at hindi rin naman lahat ng magaganda sa mundo ay maganda talaga, kaya naman talagang hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda.”
“Hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda…”
“Hindi lahat maganda…”
“Hindi maganda…”
“Hindi…”
“Hindi…”
(Hindi ako bitter, maniwala kayo.)
Hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda. Napakadaling sabihin. Matagal na natin itong alam, kahit ilang beses ko pang paikut-ikutin ang pinaka-unang pangungusap, dahil wala namang perpekto sa umiikot na mundo, hindi ba? Hindi naman tayo nasa mundo ng fairy tale kung saan laging may bulaklak sa dulo. Isa pa, hindi rin naman lahat ng magaganda sa mundo ay maganda talaga. May mga bagay na maganda nga, ngunit nakuha naman sa pangit na paraan… Maganda parin ba ito? At may mga bagay rin na pangit na pilit naman binibihisan ng kagandahan upang pagtakpan ang madilim at masama nitong kaanyuan… Maganda ba talaga ito? Kaya naman kahit ang mga bagay na iniisip natin na maganda ay maaring isang ilusyon lamang na pinapatakbo ng ating utak. Maaring ikaw ay naaakit lamang at hindi tunay na nagagandahan. Maaring ikaw ay nasisilaw lamang at hindi tunay na naliliwanagan.
Hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda. Sa kabila ng lahat, wala tayong magagawa. Ito ay isang bagay na kailangan nating tanggapin dahil kasabay ito sa pag-ikot ng mundo. Hindi natin maaalis ang kasamaan sa sistema. Hindi natin maaring alisin sa ating isip na sa kabila ng bawat ganda ay posibleng may kakambal itong hindi kaaya-aya. Dadating at dadating ang oras na maging tayo ay makakagawa ng mga bagay na hindi kanais-nais. Kaya man nating itong pabagalin sa pangyayari ngunit hinding-hindi natin ito kayang pigilan. Tayo ay maaring makagawa ng mga bagay na hindi marangal upang makuha ang isang bagay na maganda sa ating paningin. May posibilidad rin na tayo ay maging mapagpanggap at magtago sa magagandang salita o gawa upang takpan ang mga mapapait na katotohanan tungkol sa atin. At sa oras na makagawa na nga tayo ng isang bagay na hindi kanais-nais, may parte sa ating pagkatao na dapat nating sisihin, ngunit kailangan rin natin tanggapin na tayo ay tao lamang at nagkakamali din.
Hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda. Tulad ng unang nasabi, tayo ay tao lamang, nagkakamali din, nakakagawa ng mga bagay na taliwas sa kagandahan. Kasabay ng pagtanggap sa ating pagkakamali, kasabay ng pagtanggap na tayo ay may nagawang hindi maganda o masama, ay dapat patuloy parin tayong maniwala sa kagandahan at kabutihan,  matuto sa ating pagkakamali at subukan na tuluyan na itong iwasan. Dapat parin tayong maniwala sa kagandahan ng kabutihan at nararapat rin na mas manaig ito sa ating isipan. Sa kabila ng paniniwala na sa bawat kagandahan ay may nakatagong kasamaan, ay dapat parin tayong maniwala na sa kabilang dulo ng kasamaan ay mayroon paring nakatagong kabutihan. Ang paniniwala sa kasamaan, sa tamang moderasyon, ang magtuturo sa atin ng disipilina. Ito mismo ang magtuturo sa atin kung paano ito iwasan. Hindi man maaring mawala ang kasamaan sa sistema, maari naman natin itong magamit sa magandang paraan. Ang pagiging mulat dito ang magbibigay sa atin ng mga matang hindi kayang akitin o silawin. Ito ang magbibigay sa atin ng mga matang kayang alamin kung ano ang tama o mali. Ito ang magtuturo sa atin kung paano, hangga’t maaari, maging isang maayos at mabuting tao. Ang pagkilala sa ating mga pagkakamali ay tulad ng pagmulat sa realidad ng buhay dito sa Pilipinas. Ito ang magiging susi upang malaman natin ang mga gawain na dapat iwasan, wakasan at solusyonan upang tayo ay madala sa tunay (yung tunay!) na daang matuwid.
Hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda. Palaging may masama, at palagi rin namang may mabuti. Kasamaan at kabutihan: magkasama ang dalawang ito sa paghulma ng landas na ating tinatahak. Maaari tayong makagawa ng masama at maari rin naman tayong gumawa ng mabuti. Ang pagbalanse ng dalawang ito ang hamon sa atin. Tulad ng unang nasabi, walang perpekto sa mundong ito kaya may mga oras na maaring hindi tama ang ating pagbalanse sa dalawang bagay na ito, ngunit lagi nating tatandaan na maari pa natin itong ayusin at may kapangyarihan tayo upang baguhin ang timbang ng dalawa upang umayon ang balanse nito sa isa’t isa. Kung may mga bagay man na hindi natin kayang pigilan tulad ng paggawa ng mabuti o masama, tandaan natin na ang pagbabago parin ang tanging permanente sa mundong ito. “At hindi natin ito kayang pigilan.” Kung ang tao man ay nagkakamali, kaya rin naman nitong magbago para sa kanyang ikabubuti at ng kanyang kapwa.

Monday, October 24, 2011

Kuwarto

       Naaalala ko pa ang aking unang semester bilang isang college student. Ang mga unang linggo ko rito ay nagmistulang  bakasyon sa isang napakalaki at madilim kuwarto. Alam kong bagong mundo na ang aking ginagalawan, ngunit hindi ko alam kung saan ako paroroon o kung ano ang dapat kong gawin. Alam kong maraming tao sa “kuwartong” iyon. Naririnig ko ang mga boses nila, naririnig ko ang kanilang masayang kuwentuhan. Kahit na hindi ko makita ang kanilang mukha sa kadiliman, alam kong sila ay nakangiti. Hindi ko maiwasan ang mainggit. Gusto ko ring sumaya. Gusto ko silang makita. Gusto ko silang makakuwentuhan, ngunit hindi ko magawa. Sa kabila ng dilim ay kitang-kita ko ang katotohanan tungkol sa aking sarili- ang kolehiyo ay hindi isang lugar para sa isang taong tulad ko.
       Pabalik na sila, ngunit ako’y papunta pa lamang… Habang ang iba ay mayroon nang sariling grupo ng kaibigan, ako ay naghahanap palang. Noong mga unang araw, pagpasok sa classroom ay pinipili ko lagi ang upuan sa harap at pinaka-kanan. Nagsimula nang dumating ang aking mga magiging kaklase. Naroon parin ako sa aking kinauupuan, paunti-unting lumilingon sa aking likuran upang bigyan ng kaunting sulyap ang aking mga kaklase; upang makita ko ang mga mukhang aking makikita sa mahaba-habang panahon. Naroon ako sa aking kinauupuan, umaasa na may maglakas ng loob na tumabi sa akin. Habang papalapit na ang simula ng lecture, iniisip ko na ang tangi ko nalang atang pag-asa upang matupad ang aking hiling na magkaroon ng katabi ay ang maging sapat lamang ang dami ng upuan sa silid para sa mga estudyante… hindi ako nagkamali. Sa kasamaang palad (alam kong napakamakasarili kong tao sa paggamit nito… pasensya), sobra ang upuan para sa mga estudyante sa silid. Nakakalungkot. Hindi ko tuloy maiwasang ikumpara ang naging buhay ko sa mataas na paaralan sa buhay ko ngayon dito sa kolehiyo. Minsan sa dorm, habang ginagawa ko ang aking mga takdang aralin ay natitigilan nalang ako at napapayuko sa tuwing nakikita ko ang imahe ng aking sarili na nag-iisa… na walang kaibigan… na wala man lang nakakaalam kung ano ang aking pangalan. Napakabigat sa pakiramdam. Mahirap. Alam kong nairaos ko rin ang mga oras na ito, ngunit sa matagal na panahon at mayroong limitasyon (ang relasyon ko sa aking mga kaklase ay hanggang classroom lang). Maraming beses muna akong dumaan sa agos ng aking luha, ngunit ayaw ko nang tahakin ulit iyon. Alam kong kailangan kong lumakas. Dapat. Kailangan kong magbago at iyon ang gagawin ko.
       Sa ngayon, hinahayaan ko muna ang tinta upang lumuha para sa akin; upang ubusin na ang luha ng kahapon. Magsisimula na akong magbago ngayon. Alam kong mas malaking hamon pa ang naghihintay sa akin sa panibagong sem na aking papasukin. Muli akong babalik sa napakalaki at madilim na kuwartong una kong kinagisnan. Oo… ako ay babalik, ngunit alam ko na ngayon na sa kabilang dulo ng kuwartong iyon- kung saan ko naririnig ang mga masasayang boses- ay may nahihintay sa aking isang pintuan… Isang pintuan na aking kakatukin at ang mga may-ari ng boses sa likod ng pintuang iyon ay ako’y pagbubuksan. Sa wakas, ako’y magiging parte ng isang masayang kuwentuhan.

Follow me on Twitter:

Tuesday, October 11, 2011

French Fries (Isang Maikling Kuwento)

       Ang kuwentong ito ay tungkol sa pagkikita ng isang mahirap at isang mayaman. Kayo'y akin nang uunahan. Kung iniisip ninyo na ito ay isang kuwento tungkol sa pag-iibigan ng dalawang taong magkaiba ang mundo ay nagkakamali kayo pagkat ang mayaman at ang mahirap sa kuwento ay kapwa lalaki. Pangalanan muna natin ang mayamang tauhan sa kuwento bilang si Henry. Siya ay mayaman tulad ng unang nasabi, nasa kalagitnaan na ng buhay ang kaniyang edad, tipikal na Pilipino ang kanyang kulay at may katangkaran. Masipag na tao si Henry sa katunayan ay laki siya sa hirap at naulila ng mga magulang sa edad na  labing pito- ito ang nagtulak sa kanya upang mamasukan sa kung anu-anong trabaho upang makamit ang kanyang pangarap na maging isang doktor balang araw. At dahil na rin sa kanyang patuloy na pagsisikap ay nakatapos siya ng medisina. Walang asawa at anak si Henry, siya ay namumuhay mag-isa. Marahil dahil na rin ito sa sobrang pagkasubsob niya sa trabaho.

    Madaling araw na nang matapos ang trabaho, si Henry ay naghanap ng isang fast food restaurant na bukas sa buong magdamag upang kumain. Nang makakita ay bumaba siya sa kaniyang kotse at may biglang  kumalabit sa kanya.

       “Kuya, kuya nanood po ba kayo ng telenobela?”, ang sabi ng kumalabit sa kanya.
       Banaad ni Henry ang kahirapan sa itsura at pananamit ng batang kaharap-- mga onse anyos ang edad-- ngunit hindi niya ito pinandirihan pagkat siya mismo ay nanggaling rin sa kahirapan.
       Magalang na sinagot ni Henry ang nagtanong, “Boy, masyado akong abala para intindihin ang mga bagay na iyan”.
       Kahit nakitang hindi interisado si Henry ay nagpatuloy and mahirap sa kanyang sinasabi.
       “ Ang galing nung bida sa palabas na iyon! Simula sa pagiging mahirap ay umasenso at yumaman siya. Sana ganoon din ako”.

       Naawa si Henry sa bata at aabutan niya na sana ito ng pera ngunit inisip niya na baka kung saan lang magpunta ang bata kaya inaya niya nalang itong kumain sa Mcdo. Nakapasok na sa Mcdo si Henry nang mapansin niyang naghihintay lang sa labas ang bata.

       “Bakit ka nandyan sa labas? Halika’t pumasok.”
       “Mga mayayaman lang po ang pumapasok diyan ehh”
       Pinilit ni Henry na pumasok ang bata at tinanong kung ano ang gusto nitong kainin. Sumunod naman ito sa kanya.
       “Gusto ko po ng french fries”, ang sabi ng bata.
       Napansin ni Henry na nahihiya ang bata kaya pinalapit pa niya ito.
       “Halika rito at ituro mo sa akin ang french fries
       “Hindi ko po alam kung ano ang french fries diyan eh, naririnig ko lang po sa iba na masarap raw po iyon.”

       Nagulat si Henry sa nadinig. Hindi niya akalaing sa kabila ng kaunlaran ng Maynila ay may nagkukubling isang binata na sa buong buhay niya ay hindi pa nakakatikim ng french fries. Tinanong ni Henry kung ano ang pangalan ng bata. Ang pangalan pala nito ay Gabriel. Nagtanong pa si Henry tungkol sa buhay ng bata.

       “ Hindi ka ba nag-aaral?”
       “Kahit naman po na gustuhin ko ay wala naman po akong pera. Sapat lang po para makaraos ng isang araw ang aking kinikita.”
       Nagpatuloy si Gabriel, “Salamat po ulit dito sa french fries. Masarap pala po talaga ito. Alam ninyo po ba na sunod sa pag-aaral ay ipinagdadasal ko rin po talaga na makatikim din ako ng sinasabi nilang french fries! Salamat po at naibigay ninyo sa akin ang pagkakataon na makatikim ng ganito kahit sa una’t huling pagkakataon. Tingin ko po ngayon na ginamit kayong instrumento ng Panginoon upang masagot ang aking kahilingan.”

       Naantig si Henry sa mga sinabi ng bata. Nang dahil dito ay nagbigay ng katanungan si Henry na maaaring magpabago sa takbo ng buhay ni Gabriel.

       “Gusto mo ba talagang mag-aral?”.
       “Siyempre naman po, may mga ambisyon rin po ako sa buhay na nais abutin”
       “Kung gayon papayag ka ba na sumama sa akin at papaaralin kita? May french fries din doon sa amin.”

Nagkaroon muna ng isang dagat ng katahimikan bago nakasagot si Gabriel.

       “Tatanawin ko po iyon bilang isang malaking utang na loob!" Nagniningning ang mata ng bata. "Kahit wala na pong french fries!”, ang sabi ni Gabriel na sa mga oras na iyon ay umaabot na hanggang tenga ang ngiti.
        Tumawa ang dalawa at nilisan ang Mcdo nang magkasama.
       
       Noong gabing iyon ay hindi na tatandang mag-isa si Henry at dalawang panambitan ang natupad. Ang panambitan ng isang mahirap na makapag-aral at ang panambitan na makatikim ng pagkaing kanya lamang naririnig at hindi nalalasahan. Totoo ngang hindi natutulog ang Panginoon sa mga maliliit.


Follow me on Twitter :)
https://twitter.com/#!/paoloruedas