Saturday, February 19, 2011

Ang Pagtatapos Sa Aking Sinimulan

Nanatili akong tapat sa aking paaralan, ang Ann Arbor Montessori Learning Center, sa loob ng sampung taon. Sampung taon ko itong naging pangalawang tahanan, minahal ko na talaga ito ng lubusan. Nasaksihan ko ang iba-ibang pagbabagong nangyari sa nakalipas na dekada. 2011 na nga pala ngayon. Parang kailan lang nangyari noong pinapapili ako ng aking mga magulang ng paaralan para sa pag-apak ko ng elementarya noong 2001. Naaalala ko pa noon nang pinapapapili ako ng aking mga magulang kung saan ko gustong mag elementarya base sa kulay. Saan mo gustong mag-aral? Sa blue na paaralan o sa green?, naaalala kong sabi sa akin ng aking ina. Siyempre blue ang pinili ko noon dahil iyon ang paborito kong kulay. At sa blue na paaralan nga talaga ako ipinasok. Siguro nga’y itinadhana talaga ako para sa paaralang ito.
Gaya ng unang nasabi, marami akong nasaksihang pagbabago dito sa itinuring kong pangalawang tahanan sa mahabang panahon. Noon, CASA,Grade School, at High School lang ang maaari mong tawaging building noon. Ang canteen dati ay nasa kasuluk-sulukan ng Ann Arbor at napakaliit ng daanan papunta. Parang eskinita. Kaya sa tuwing recess o lunch ang mga estudyante ay parang nagsisiksikang mga sardinas sa pagbili ng pagkain. Ang diskarte ko noon ay pinapahupa ko muna ang dami ng tao at sa mga huling sampu o limang minuto na lamang ako bibili ng pagkain. Mabilis naman akong kumain noon, sa katunayan, hanggang ngayon, kaya wala akong naging problema sa siksikan at sa ingay ng nasa palengke. Ngayon meron na ang Ann Arbor ng tinaguriang New Building ng mga estudyante. Ito ay humigit-kumulang pitong taon na ang lumipas simula ng maipagawa ito. Ang ipinaktataka ko lamang ay ilang taon na, simula ngayon, ang nakalipas ay New Building parin ang tawag ng mga estudyante rito. Hanep. Hindi naluluma. Palaging bago.
Para sa akin ang New Building ay isang simbolismo ng panibagong simula na ibinibigay ng Panginoon araw-araw. Ang New Building ang nagpapaalala sa mga estudyante na ang pagbabago lamang ang tanging permanente sa mundo. Sa mga oras na nahihirapan ang isang estudyante ng Ann Arbor at inaakala niyang wala ng magandang pagbabagong maaaring mangyari sa kanyang buhay- nagkakamali siya. Ipapamukha ko sa kanya na- Hayan o, bago,New Building, maganda parin. Ang New Building ang simbolismo ng panibagong pagpapahalaga at kaalaman na ibinibigay ng Ann Arbor Montessori sa kaniyang mga estudyante. Ang New Building ay simbolismo ng walang hangganang pagbabago. Hanep talaga. Hindi naluluma. Palaging bago. Ang canteen ngayon ay umasenso na. Kung dati ay parang nasa palengke ka’t nakikipagsiksikan na parang sardinas na nasa lata, ngayon ay malaki na ang canteen at mas marami nang tindahan. Bagamat maingay parin, mas okay na kaysa makipagkiskisan ka ng braso sa mga estudyante.
Ilan lamang ito sa mga pagbabagong nakita ko sa Ann Arbor. Hinding-hindi ko makakalimutan ang paaralang ito. Ngunit, gaya ng unang nasabi na walang hangganan ang pagbabago. Hindi ko lubos maisip na sa paglipas ng sampung taon ay magiging bagong estudyante ako ng bagong paaralan. Sampung taon akong hindi nangapa sa aking paligid pagkat alam ko na ang bawat sulok ng Ann Arbor. Ngayon, kailangan ko na ring pumunta sa panibagong paaralan at mangapa sa panibagong kultura. Oo, pupunta ako sa panibagong paaralan, ngunit ang Ann Arbor ay hindi ko makakalimutan at papalitan. Palaging magkakaroon ng espesyal na lugar ang paaralang ito sa aking puso. Magiging parte ito ng aking pag-abot sa aking mga pangarap habang buhay.



Saturday, February 12, 2011

Pagtatapos- Isang Pamamaalam

Mahigit isang buwan na lamang bago ako magtapos ng sekondarya. Mahigit isang buwan na lamang ang natitira sa halos sampung taon ng aking pamamalagi sa paaralang naging isang malaking parte sa paghubog ng aking pagkatao. Sa sampung taon ng pag-aaral sa aking paaralan ay marami akong natutunan. Marami akong natutunan, hindi lamang sa Math, Science, English o Filipino, na kailangan natin upang umunlad ang ating buhay; pati na rin ang mga aral at pagpapahalaga na nagturo sa atin upang maging mabuting tao at mga aral ng ibat't ibang mukha ng buhay na nagturo sa atin kung paano mabuhay, mismo.
  Maraming tao ang tumatak sa aking puso’t isipan. Ang mga taong ito’y mananatili sa habang buhay sa aking gunita at palaging magkakaroon ng lugar sa aking puso- mga kaibigan, mga kamag-aral, at siyempre, ang ating mga guro. Minahal at rinespeto ko ang lahat ng aking mga guro dahil utang ko ang lahat sa kanila kung bakit may laman ang aking utak ngayon. Kahit pa sabihin mo na sobrang hirap ng kaniyang tinuturo at nagmumukha ka’ng tagabundok dahil halos hindi mo na maintindihan ang kaniyang mga sinasabi; kahit napakabilis magalit ng isang guro at laging napapa-away sa klase; kahit ang gurong iyon ay sobrang nakakatakot at nagmumukha kang tila isang maamong tupa kapag siya ay malapit- mahat at rinerespeto ko sila.
  Sa lahat ng aking naging mga guro, si Ms. Julie ang talagang nag-iwan sa akin ng mga matatamis na ala-ala. Sinasabi nila at naniniwala ako na ang ating mga guro ay ang ating pangalawang mga magulang. Para sa akin, talagang nagampanan ni Ms. Julie ang pagiging isang magulang niya sa amin noong ako’y nasa ikatlong taon pa lamang sa pangkat Einstein. Napakalaki ng suportang ibinabahagi niya sa amin na nagpapatatag sa amin sa tuwing kami’y may hinaharap na problema. Nariyan pa noong ako’y nasa ikatlong taon at 84 lamang ang marka ko sa Physics nang 1st Quarter. Kailangan pa naman na wala kang marka na bababa sa 85 upang ikaw ay maging isang Achiever sa aming paaralan. Kinausap ako ni Ms. Julie tungkol dito. Naiintindihan ko naman ang aking sitwasyon at handa ko namang tanggapin kung hindi man ako magiging isang Achiever. Handa ko nang tanggapin ang pagkatalo dahil nangyari na rin naman ito dati noong ako’y nasa ikalawang taon pa lamang at ang naging marka o sa Math noong 1st Quarter ay 84 ay hindi ako naging isang Achiever, nakakapanghinayang nga lamang dahil kung nakapasok sa Achievers noong 1st Quarter ay makukuha ko na sana ang aking kauna-unahang medalya. Kung ako man ay handa na akong tumanggap ng pagkatalo- si Ms. Julie, hindi. Naniwala siya sa akin sa mga oras na hindi ako nagtiwala sa aking sarili, ipinaglaban niya ako hanggang huli habang ako’y nais nang tumigil, pinakiusapan niya si Brother Ernie dahil nanghihinayang siya sa pagkakataon. Napakiusapan naman si Brother(Ang bait talaga ni Brother) ngunit sinabi sa akin ni Ms. Julie na galingan ko sa susunod- na akin namang ginawa. May konting tampo nga ako sa naging adviser ko noong ikalawang taon, pero wala na iyon. Nang dahil kay Ms. Julie ay nakuha ko ang aking kauna-unahang medalya sa siyam na taong pag-aaral ko noon, sa paaralang iyon. Isa lamang ito sa napakarami pang mga nagawa ni Ms. Julie para sa amin. Nariyan lagi siya. Masaya para sa aming bawat tagumpay at nasasaktan rin sa tuwing kami’y may lungkot na dinadala. Napakasaya at ipinagmamalaki ko na kasama ako sa mga naturuan ni Ms. Julie.
  Sa aking mga nalalabing buwan sa aking paaralan ay marami akong iniisip- tamang kurso, magandang kolehiyo, ang aking mga pangarap. Masarap isipin ang mga bagay na ito, mga bagay naglalapit sa iyo at ng iyong mga pangarap. Ngunit, sa kabila ng lahat ng ito ay may isa pang bagay na masakit isipin- ang pamamalam. Ito ay ang pamamaalam sa mga taong naging malaking parte na ng iyong buhay sa mahabang panahon. Minsan nais ko nalang maiyak sa tuwing naiisip ko ang graduation. Nais kong maiyak dahil sa magkahalong tuwa’t lungkot. Iyak ng tuwa sa dahilang mas malapit na kami ng isang hakbang tungo sa aming mga pangarap at pangarap ng aming mga magulang. Iyak ng lungkot dahil maaaring sa graduation ko na lamang huling makikita ng personal ang mga mukha ng aking mga guro, mga kaklase at mga kaibigan na naging isang malaking parte sa paghubog ng aking pagkatao. Hindi ba’t masakit isipin na ang mga mukhang naging pamilyar sa iyo sa mahabang panahon, sa isang iglap lang ay hindi mo na masisilayan at sa gunita mo na lamang nabubuhay? Napakalungkot! Napakasakit!
  Grabe! Hindi ko na talaga mapigilan ang aking nararamdam habang sinusulat ko ito. Siguro kung sa papel ko ito isinulat ay hindi niyo na ito maiintindihan dahil sa malabong pagkakasulat- oo hindi ko na napigilan ang pag-agos ng aking luha sa pagsulat nito.
  Napakahirap sabihin ng salitang paalam kaya naman, habang may oras pa akong nalalabi kasama ang aking mga kaibigan at guro at sinusulit ko talaga. Ngayong ikaapat na taon lang ako natutong gumala kasama ang mga kaklase. Dati ay hindi ako mahilig sa pagsama sa mga kaklase mga lakad, ngayong taon ko lamang nakita ang halaga ng mga oras na kasama ko ang aking mga kaklase na para bang sa bawat lakad namin ay tila iyon na ang huli. Kung lingid sa iyong kaalaman, ngayong taon ko lamang naranasan ang pumasok sa Starbucks. Ngayong taon ay madalas akong sumasama kina Lorenzo, Marica, Chester, Anca at Ryan sa kanilang mga lakad at nagpapasalamat naman ako dahil tinatanggap nila ako. Nariyan rin sina Jason at Edward na nagturo sa akin na ang oras ay hindi lamang ginto, maaari rin itong maging pilak o kaya nama'y tanso. Nais ko talagang maging malapit sa mga taong ito habang kaya ko pa. Masaya ako sa tuwing kasama ko sila dahil naging mabuting kaibigan sa akin. Sila ang mga kaibigang hindi ko makakalimutan at mananatili silang isang napakahalagang kayamanan na habang buhay kong itatago sa aking isipan.
  Sa ating pagtatapos, tayo’y uusad, minsa’y may maiiwan at mayroon rin namang mananatili. Iniisip na lamang na ang lahat ng bagay ay nangyayari nang may dahilan. Sa ating pagtatapos, nawa’y gabayan tayo ng ating Panginoon, at nawa’y mahanap na tin ang dahilang ito.

Friday, February 4, 2011

Madilim na Karanasan, Maliwanag na Hangganan

Hindi malilimutang pangyayari sa aking paaralan? Marami ako niyan sapagkat hindi pa naman ako matanda para maging makakalimutin. Marami akong naging karanasan sa aking kinagisnang paaralan na hanggang ngayo’y malusog pa sa aking isipan. Hindi ko pa nalilimutan, noong ako’y nasa elementarya pa lamang, ipinatawag ang aking mga magulang sa aking paaralan dahil sa aking sagad-sa-lupang  mga marka sa Math. Hindi ko alam kung bakit, ngunit noong mga panahong iyon ay hirap na hirap na hirap talaga ako sa Math, tipong simleng division lang ay taon ang aking ginugugol habang ang aking mga kamag-aral ay minamani lamang ito. Habang marami pa rin ang kabataang  takot na takot sa Math ay nakahanap ako ng isang matalik na kaibigan na napakagaling rito. Hindi ko lang alam kung napakaliit na talaga ng pagtingin ko sa aking sarili ngunit napakataas ng pagtingin ko sa kanya- ikinukumpara ko na nga siya sa isang calculator, kahit scientific pa, sa sobrang galing niya sa Math. Lahat nang assignments ko sa Math ay sa kanya ko pinapagawa. Sa tulong niya ay maraming beses na nailigtas ang aking naghihirap na utak sa mga makapanugong-ilong na mga equations at formulas. Sa kabila ng aking paghihirap sa subject na ito ay nakahanap ako ng kalakasan sa Science. Dito ako nakahanap ng magandang tahanan para sa aking pag-iisip. Dito ko binubuhos ang lahat ng aking makakaya ngunit nakalimutan ko na hindi lang Science ang subject na dapat pag-aralan.
    Hindi siguro magandang tignan ang binahagi kong mga pangyayari tungkol sa aking sarili. Pero, para sa akin, ito ay depende kung paano mo siya titignan. Para sa akin, ang mga matatagumpay na tao ay ang may mga pinakamagagandang karanasan sa buhay, kasama na rito ang mga karanasang maaaring pinakamasalimuot para sa iba. Natututo tayo sa ating mga karanasan kahit na ito’y hindi kanais-nais at ang mga karanasang ito ang nagliligtas sa atin sa muling pagkadapa.
  Nakita ko ang lahat ng aking pagkakamali noong ako’y nasa elementarya at nagsimulang magbago ang lahat noong ako’y pumasok na ng sekondarya. Natuklasan kong hindi pala ganoon kahirap ang Math. Kaya ko palang makipagsabayan sa iba at unti-unting nawala ang aking pagmamaliit sa sarili.
   Hindi pala maganda ang lagi kang umaasa sa ibang tao, parang inaamin mo na rin na wala kang kuwentang tao; na hindi mo kayang tumayo sa sariling mga paa; na wala ka nang pag-asa upang lumaki. Kung inaasa mo lamang sa iba ang mga gawain dahil ikaw ay nahihirapan, kahit kailan ay hindi mo matututunan kung paano ito gawin. Hindi mo rin mararanasan ang sarap ng pakiramdam kapag natapos mo ang isang gawain gamit ang sariling sikap. 
  Natutunan ko rin ang pantay-pantay na pagpapahalaga sa mga bagay-bagay  hindi lamang sa iyong mga kapangyarihan at kalakasan. Sa tingin ko ay ito ang pagpapahalagang nakakalimutan ng ating sakim na nakaupo sa pamahalaan. Mas pinapahalagahan nila ang kanilang kapangyarihan. Hindi nila alam o kaya naman ay wala talaga silang pakialam sa mga mahihirap nating kababayan na nagdurusa at nagiging biktima ng kanilang kasakiman.
  Hindi ko makakalimutan ang mga karanasang ito dahil ang mga ito’y nagpatatag sa akin kahit na pilit ako nitong idinarapa. Ito ang mga karanasang nagdala sa akin kung nasaan ako ngayon. Hindi ko naman sinasabi na malayo na ang narating ko ngunit ang mga karanasang ito, kasama ng Diyos, ang magdadala sa akin sa tuluyan kong pag-abot sa aking mga pangarap.