Hindi malilimutang pangyayari sa aking paaralan? Marami ako niyan sapagkat hindi pa naman ako matanda para maging makakalimutin. Marami akong naging karanasan sa aking kinagisnang paaralan na hanggang ngayo’y malusog pa sa aking isipan. Hindi ko pa nalilimutan, noong ako’y nasa elementarya pa lamang, ipinatawag ang aking mga magulang sa aking paaralan dahil sa aking sagad-sa-lupang mga marka sa Math. Hindi ko alam kung bakit, ngunit noong mga panahong iyon ay hirap na hirap na hirap talaga ako sa Math, tipong simleng division lang ay taon ang aking ginugugol habang ang aking mga kamag-aral ay minamani lamang ito. Habang marami pa rin ang kabataang takot na takot sa Math ay nakahanap ako ng isang matalik na kaibigan na napakagaling rito. Hindi ko lang alam kung napakaliit na talaga ng pagtingin ko sa aking sarili ngunit napakataas ng pagtingin ko sa kanya- ikinukumpara ko na nga siya sa isang calculator, kahit scientific pa, sa sobrang galing niya sa Math. Lahat nang assignments ko sa Math ay sa kanya ko pinapagawa. Sa tulong niya ay maraming beses na nailigtas ang aking naghihirap na utak sa mga makapanugong-ilong na mga equations at formulas. Sa kabila ng aking paghihirap sa subject na ito ay nakahanap ako ng kalakasan sa Science. Dito ako nakahanap ng magandang tahanan para sa aking pag-iisip. Dito ko binubuhos ang lahat ng aking makakaya ngunit nakalimutan ko na hindi lang Science ang subject na dapat pag-aralan.
Hindi siguro magandang tignan ang binahagi kong mga pangyayari tungkol sa aking sarili. Pero, para sa akin, ito ay depende kung paano mo siya titignan. Para sa akin, ang mga matatagumpay na tao ay ang may mga pinakamagagandang karanasan sa buhay, kasama na rito ang mga karanasang maaaring pinakamasalimuot para sa iba. Natututo tayo sa ating mga karanasan kahit na ito’y hindi kanais-nais at ang mga karanasang ito ang nagliligtas sa atin sa muling pagkadapa.
Nakita ko ang lahat ng aking pagkakamali noong ako’y nasa elementarya at nagsimulang magbago ang lahat noong ako’y pumasok na ng sekondarya. Natuklasan kong hindi pala ganoon kahirap ang Math. Kaya ko palang makipagsabayan sa iba at unti-unting nawala ang aking pagmamaliit sa sarili.
Hindi pala maganda ang lagi kang umaasa sa ibang tao, parang inaamin mo na rin na wala kang kuwentang tao; na hindi mo kayang tumayo sa sariling mga paa; na wala ka nang pag-asa upang lumaki. Kung inaasa mo lamang sa iba ang mga gawain dahil ikaw ay nahihirapan, kahit kailan ay hindi mo matututunan kung paano ito gawin. Hindi mo rin mararanasan ang sarap ng pakiramdam kapag natapos mo ang isang gawain gamit ang sariling sikap.
Natutunan ko rin ang pantay-pantay na pagpapahalaga sa mga bagay-bagay hindi lamang sa iyong mga kapangyarihan at kalakasan. Sa tingin ko ay ito ang pagpapahalagang nakakalimutan ng ating sakim na nakaupo sa pamahalaan. Mas pinapahalagahan nila ang kanilang kapangyarihan. Hindi nila alam o kaya naman ay wala talaga silang pakialam sa mga mahihirap nating kababayan na nagdurusa at nagiging biktima ng kanilang kasakiman.
Hindi ko makakalimutan ang mga karanasang ito dahil ang mga ito’y nagpatatag sa akin kahit na pilit ako nitong idinarapa. Ito ang mga karanasang nagdala sa akin kung nasaan ako ngayon. Hindi ko naman sinasabi na malayo na ang narating ko ngunit ang mga karanasang ito, kasama ng Diyos, ang magdadala sa akin sa tuluyan kong pag-abot sa aking mga pangarap.
No comments:
Post a Comment