“Hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda at hindi rin naman lahat ng magaganda sa mundo ay maganda talaga, kaya naman talagang hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda.”
“Hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda…”
“Hindi lahat maganda…”
“Hindi maganda…”
“Hindi…”
“Hindi…”
(Hindi ako bitter, maniwala kayo.)
Hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda. Napakadaling sabihin. Matagal na natin itong alam, kahit ilang beses ko pang paikut-ikutin ang pinaka-unang pangungusap, dahil wala namang perpekto sa umiikot na mundo, hindi ba? Hindi naman tayo nasa mundo ng fairy tale kung saan laging may bulaklak sa dulo. Isa pa, hindi rin naman lahat ng magaganda sa mundo ay maganda talaga. May mga bagay na maganda nga, ngunit nakuha naman sa pangit na paraan… Maganda parin ba ito? At may mga bagay rin na pangit na pilit naman binibihisan ng kagandahan upang pagtakpan ang madilim at masama nitong kaanyuan… Maganda ba talaga ito? Kaya naman kahit ang mga bagay na iniisip natin na maganda ay maaring isang ilusyon lamang na pinapatakbo ng ating utak. Maaring ikaw ay naaakit lamang at hindi tunay na nagagandahan. Maaring ikaw ay nasisilaw lamang at hindi tunay na naliliwanagan.
Hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda. Sa kabila ng lahat, wala tayong magagawa. Ito ay isang bagay na kailangan nating tanggapin dahil kasabay ito sa pag-ikot ng mundo. Hindi natin maaalis ang kasamaan sa sistema. Hindi natin maaring alisin sa ating isip na sa kabila ng bawat ganda ay posibleng may kakambal itong hindi kaaya-aya. Dadating at dadating ang oras na maging tayo ay makakagawa ng mga bagay na hindi kanais-nais. Kaya man nating itong pabagalin sa pangyayari ngunit hinding-hindi natin ito kayang pigilan. Tayo ay maaring makagawa ng mga bagay na hindi marangal upang makuha ang isang bagay na maganda sa ating paningin. May posibilidad rin na tayo ay maging mapagpanggap at magtago sa magagandang salita o gawa upang takpan ang mga mapapait na katotohanan tungkol sa atin. At sa oras na makagawa na nga tayo ng isang bagay na hindi kanais-nais, may parte sa ating pagkatao na dapat nating sisihin, ngunit kailangan rin natin tanggapin na tayo ay tao lamang at nagkakamali din.
Hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda. Tulad ng unang nasabi, tayo ay tao lamang, nagkakamali din, nakakagawa ng mga bagay na taliwas sa kagandahan. Kasabay ng pagtanggap sa ating pagkakamali, kasabay ng pagtanggap na tayo ay may nagawang hindi maganda o masama, ay dapat patuloy parin tayong maniwala sa kagandahan at kabutihan, matuto sa ating pagkakamali at subukan na tuluyan na itong iwasan. Dapat parin tayong maniwala sa kagandahan ng kabutihan at nararapat rin na mas manaig ito sa ating isipan. Sa kabila ng paniniwala na sa bawat kagandahan ay may nakatagong kasamaan, ay dapat parin tayong maniwala na sa kabilang dulo ng kasamaan ay mayroon paring nakatagong kabutihan. Ang paniniwala sa kasamaan, sa tamang moderasyon, ang magtuturo sa atin ng disipilina. Ito mismo ang magtuturo sa atin kung paano ito iwasan. Hindi man maaring mawala ang kasamaan sa sistema, maari naman natin itong magamit sa magandang paraan. Ang pagiging mulat dito ang magbibigay sa atin ng mga matang hindi kayang akitin o silawin. Ito ang magbibigay sa atin ng mga matang kayang alamin kung ano ang tama o mali. Ito ang magtuturo sa atin kung paano, hangga’t maaari, maging isang maayos at mabuting tao. Ang pagkilala sa ating mga pagkakamali ay tulad ng pagmulat sa realidad ng buhay dito sa Pilipinas. Ito ang magiging susi upang malaman natin ang mga gawain na dapat iwasan, wakasan at solusyonan upang tayo ay madala sa tunay (yung tunay!) na daang matuwid.
Hindi lahat ng bagay sa mundo ay maganda. Palaging may masama, at palagi rin namang may mabuti. Kasamaan at kabutihan: magkasama ang dalawang ito sa paghulma ng landas na ating tinatahak. Maaari tayong makagawa ng masama at maari rin naman tayong gumawa ng mabuti. Ang pagbalanse ng dalawang ito ang hamon sa atin. Tulad ng unang nasabi, walang perpekto sa mundong ito kaya may mga oras na maaring hindi tama ang ating pagbalanse sa dalawang bagay na ito, ngunit lagi nating tatandaan na maari pa natin itong ayusin at may kapangyarihan tayo upang baguhin ang timbang ng dalawa upang umayon ang balanse nito sa isa’t isa. Kung may mga bagay man na hindi natin kayang pigilan tulad ng paggawa ng mabuti o masama, tandaan natin na ang pagbabago parin ang tanging permanente sa mundong ito. “At hindi natin ito kayang pigilan.” Kung ang tao man ay nagkakamali, kaya rin naman nitong magbago para sa kanyang ikabubuti at ng kanyang kapwa.
No comments:
Post a Comment