Naaalala ko pa ang aking unang semester bilang isang college student. Ang mga unang linggo ko rito ay nagmistulang bakasyon sa isang napakalaki at madilim kuwarto. Alam kong bagong mundo na ang aking ginagalawan, ngunit hindi ko alam kung saan ako paroroon o kung ano ang dapat kong gawin. Alam kong maraming tao sa “kuwartong” iyon. Naririnig ko ang mga boses nila, naririnig ko ang kanilang masayang kuwentuhan. Kahit na hindi ko makita ang kanilang mukha sa kadiliman, alam kong sila ay nakangiti. Hindi ko maiwasan ang mainggit. Gusto ko ring sumaya. Gusto ko silang makita. Gusto ko silang makakuwentuhan, ngunit hindi ko magawa. Sa kabila ng dilim ay kitang-kita ko ang katotohanan tungkol sa aking sarili- ang kolehiyo ay hindi isang lugar para sa isang taong tulad ko.
Pabalik na sila, ngunit ako’y papunta pa lamang… Habang ang iba ay mayroon nang sariling grupo ng kaibigan, ako ay naghahanap palang. Noong mga unang araw, pagpasok sa classroom ay pinipili ko lagi ang upuan sa harap at pinaka-kanan. Nagsimula nang dumating ang aking mga magiging kaklase. Naroon parin ako sa aking kinauupuan, paunti-unting lumilingon sa aking likuran upang bigyan ng kaunting sulyap ang aking mga kaklase; upang makita ko ang mga mukhang aking makikita sa mahaba-habang panahon. Naroon ako sa aking kinauupuan, umaasa na may maglakas ng loob na tumabi sa akin. Habang papalapit na ang simula ng lecture, iniisip ko na ang tangi ko nalang atang pag-asa upang matupad ang aking hiling na magkaroon ng katabi ay ang maging sapat lamang ang dami ng upuan sa silid para sa mga estudyante… hindi ako nagkamali. Sa kasamaang palad (alam kong napakamakasarili kong tao sa paggamit nito… pasensya), sobra ang upuan para sa mga estudyante sa silid. Nakakalungkot. Hindi ko tuloy maiwasang ikumpara ang naging buhay ko sa mataas na paaralan sa buhay ko ngayon dito sa kolehiyo. Minsan sa dorm, habang ginagawa ko ang aking mga takdang aralin ay natitigilan nalang ako at napapayuko sa tuwing nakikita ko ang imahe ng aking sarili na nag-iisa… na walang kaibigan… na wala man lang nakakaalam kung ano ang aking pangalan. Napakabigat sa pakiramdam. Mahirap. Alam kong nairaos ko rin ang mga oras na ito, ngunit sa matagal na panahon at mayroong limitasyon (ang relasyon ko sa aking mga kaklase ay hanggang classroom lang). Maraming beses muna akong dumaan sa agos ng aking luha, ngunit ayaw ko nang tahakin ulit iyon. Alam kong kailangan kong lumakas. Dapat. Kailangan kong magbago at iyon ang gagawin ko.
Sa ngayon, hinahayaan ko muna ang tinta upang lumuha para sa akin; upang ubusin na ang luha ng kahapon. Magsisimula na akong magbago ngayon. Alam kong mas malaking hamon pa ang naghihintay sa akin sa panibagong sem na aking papasukin. Muli akong babalik sa napakalaki at madilim na kuwartong una kong kinagisnan. Oo… ako ay babalik, ngunit alam ko na ngayon na sa kabilang dulo ng kuwartong iyon- kung saan ko naririnig ang mga masasayang boses- ay may nahihintay sa aking isang pintuan… Isang pintuan na aking kakatukin at ang mga may-ari ng boses sa likod ng pintuang iyon ay ako’y pagbubuksan. Sa wakas, ako’y magiging parte ng isang masayang kuwentuhan.
Follow me on Twitter: