Friday, July 5, 2013

The Two Points That Can Never Make a Line

Hinanap ko ang aking notes sa Math 14 upang maipahiram. Binuklat ko ang mga ito upang suriin kung kumpleto ang mga detalyeng nakalagay. Kumpleto naman, ngunit tila may sobra pa ata…sa isang sulok ng pahina ng aking filler ay nakita ko ang “sobra” na ito. Ito ay isang pangungusap.

Heto siya:
“We are two points that can never make a line.”

Ang taon ay 2011 nang kinuha ko ang Math 14…2013 na ngayon. Halos dalawang taon na pala ang nakakaraan. Ang bilis ng oras. Hindi ko akalain na may nasulat akong ganung klaseng pangungusap sa isang pahina ng aking filler na punung-puno ng mga teknikal na bagay. Hindi naman sa sinasabi ko na walang kinalaman sa Math ang pangungusap na ito (isang pangkaraniwang konsepto sa geometry na ang dalawang points ay maaring makabuo ng isang linya kung sila ay pagkokonektahin), ngunit, kung titignan mo ang pangungusap, sa paraan na ginamit ay humigit sa malamang na hindi kapupunahan na ito ay may kinalaman sa Math.

Nang mabasa ko ang pangungusap, doon nagsimulang kumalat sa aking isipan ang nakaraan. Doon nagsimulang tumakbo ang mga ala-alang muling nanariwa sa aking isip. Doon ko siya muling nakita. Ayun siya, isa sa mga pinakamagandang babaeng nakita ko sa aking buhay. Sa tuwing tumitingin ako sa kanya, hindi ko maiwasang mapangiti. Hindi ko maiwasang maging masaya sa saglit na iyon na nasulyapan ko ang kanyang magandang mukha. Ayun siya, noong nag-top siya sa exam na mas lalo pang nagpahanga sa akin. Hindi lang pala siya maganda, matalino rin. Ayun siya, ngunit hindi ko alam ang kanyang pangalan. Ayun siya, ilang metro lang ang aming pagitan ngunit parang ang layo-layo parin ng agwat ko sa kanya. Magmumukhang hindi isang pagmamalabis ang tanyag na linyang “langit siya at lupa ako.” Ayun siya at nandito ako, hindi niya napapansin. Ayun siya, halos dalawang taon ang nakaraan… Ayun siya, ang pangalawang point sa aking pangungusap.

“We are two points that can never make a line.”

Bow.



Wednesday, May 29, 2013

Kuwentong Kabangagan


          Habang ako'y nagbubusy-bisihan sa aking desk ay kinausap ako ng aking roommate.

Roommate: It's Saturday evening, WHAT are you doing?
Me: Studying. hehe...
Roommate: Okay, that's fun...

          Makalipas ang mga limang minuto, bigla akong tumayo. Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko lang na may kailangan akong gawin kaya ako tumayo. Nagsimula akong maglakad sa kuwarto at hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isip at bigla ko nalang pinatay ang ilaw. Binuksan ko naman agad ito nang matauhang pinatay ko ang ilaw ng walang dahilan; sabay tanong sa aking sarili, "anak ng tinola, bakit ko nga ba nagawa yun?" Nang humarap ako sa aking roommate ay binigyan niya ako ng mapanuring tingin sabay sabing, "mukha kang bangag."

          Sa isip ko: "oo nga, sa tingin ko nga."

Thursday, April 11, 2013

Magsalita nang may Boses

          Napakahaba ng pila kanina para sa kuhaan ng form5/form5a at mahigit isang oras narin akong nakatayo nang may kuyang bigla nalang tumayo sa aking harapan at nagproklamang kanya raw ang pwesto na iyon. Hindi ako nakapagsalita nung una dahil nahihiya ako. Ilang saglit lang ay may kakaiba akong naramdaman. Napansin ko na lamang na bahagyang nanginginig na pala ang aking katawan-- hindi dahil sa galit kundi sa dahil "hiya" habang iniipon ko sa aking loob ang pakiramdam na "may mali" ngunit hindi ko masabi na mayroon dahil sa lecheng "hiya" na yan. 

          Oo, may mali. Siningitan niya ako. Hindi lang ako, pati narin ang mga taong nasa likod ko na matagal naring naghihintay... Patuloy na nanginig ang aking katawan dahil alam kong may mali ngunit wala akong ginagawa upang itama ang maling iyon. Hindi ako umimik hanggang sa puntong hindi ko na kinaya ang bigat ng maling pakiramdam sa aking loob. Nilabanan ko ang aking hiya at ako'y nagsimula nang magsalita. Sa puntong iyon ay wala na akong pakialam kahit na siya ay mas matanda sa akin at mas maraming karanasan. Alam kong may mali at kailangan ko na itong ilabas.


"Kuya, sigurado po ba kayong dito kayo nakapila?"

"Oo, may sinabi lang ako dun sa harap... bumalik lang ako."

(Grabe, isang oras mong sinabi yun?)

"Ganito po kasi eh, kanina ko pa po nasa harapan si ate eh (yung nasa harap ko). Tsaka nandun pa po sa dulo yung pila (tinuro ko yung 'totoong' dulo ng pila). Baka nagkamali lang po kayo?"


          Pinanatili kong kalmado ang tono ng aking pananalita kahit nanginginig ang aking buong katawan habang nakikipag-usap sa kanya. Kung may gusto man akong patunguhan sa aking mga sinabi paniguradong hindi iyon away.


"Ah ganun ba, sige bukas nalang ako pipila." Sabi niya at siya'y umalis.


          "Buti nalang", ang nasabi ko nalang sa sarili. Nang mangyari yun, para akong nabunutan ng tinik sa puso. Maaring para sa iba ay napakasimpleng bagay lang ng pakikipag-usap sa tao ngunit para sa akin ay sobrang nasayahan ako sa aking ginawa. Hindi ko lang nakuha ang pwestong dapat sa akin, nagawa ko ring "magsalita nang may boses" na hindi ko inakalang kakayanin ko pala. Ang saya lang sa pakiramdam. :)


Thursday, March 28, 2013

The Allison Logic


Noong nakaraang taon, may napulot akong isang kakaibang kaisipan ukol sa pagtingin ng isang estudyante sa mga subjects sa kolehiyo na maaaring makapagbago ng kaniyang pananaw  sa mga bagay na ito na unti-unting sumusunog ng kaniyang kilay. Ito ay ang Allison Logic. Ito ay hango sa pangalang Allison Avellanosa na siyang nag-introduce ng kaisipang ito. Siya ang aking room mate.
Upang mas malinaw kong maipaliwanag kung ano ang Allison Logic ay dapat kong ikuwento kung paano ito nagsimula... Tatlo kaming mag-roomates sa isang paupahan na kuwarto: Ako, si Kuya Jeff, at si Kuya Allison. Nag-aaral ako noon para sa aking exam kinabukasan nang yayain ako ni Kuya Allison maglaro ng DOTA kasama si Kuya Jeff. Ipinaliwanag ko agad sa kaniya ang aking sitwasyon— na may exam ako kinabukasan. Tinanong niya kung ano aking exam kinabukasan, ang sagot ko ay “SpeechCom (SPCM).” Nagulat nalang ako nang bigla niyang sinabi na:  “GE????! It’s like an appetizer; it’s okay if you don’t eat them.” Hanggang ngayon ay hindi ko parin makalimutan ang linya niyang iyon. Nakuha ko ang gusto niyang iparating— na okay lang na hindi seryosohin ang mga GE na kurso, ngunit hindi ito ang Allison Logic.
Ano nga ba talaga ang Allison Logic? Makikita sa unang nabasa na inihalintulad ni Kuya Allison ang GE subject sa isang kategorya ng pagkain: isang appetizer… Hayaan niyong ibahagi ko ang pangalawang parte ng kuwento kung paano ito nagsimula upang tuluyan nang mabigyang kahulugan ang kaisipang ito…
Ibinahagi ko ang engkwentro namin ni Kuya Allison sa mga kaibigan ko sa kabilang kuwarto at natawa sila sa ginawang pagkukumpara ni Kuya Allison ng isang subject sa isang pagkain. Doon nagsimula ang lahat. Sa mga sumunod na araw, sa tuwing kakain kami ay hindi na namin matanggal sa aming isip ang ginawang pagkukumpara ni Kuya Allison ng subject sa pagkain kaya naman nakagawa narin kami ng sari-sariling paghahalintulad. Halimbawa: ang katumbas ng PE sa pagkain ay asin; ang NSTP naman ay ketchup; ang GE ay toyo-mansi; habang ang STAT 1 naman ay isang meal ng Big Belly’s.
Ngayon, ang tunay na depinisyon ng Allison logic: ang paghahalintulad ng mga subject sa pagkain base sa kung gaano ito kabigat—ang mas mabigat na subject ay katumbas ng mas mabigat na pagkain.
Kung ating titignan, isang diskriminasyon ang ginagawa ng Allison logic sa mga subject na maaaring magpababa ng tingin ng isang estudyante sa mga ito at maari ring humantong sa sitwasyon kung saan ang mga estudyante ay magkaroon na ng delingkwenteng pananaw tungo rito. Sa kabilang banda ang Allison logic ay maaring makapagbigay ito ng magandang epektong sikolohiya kung saan gagaan ang pagtingin ng mga estudyante sa mga makapagsunog-kilay na mga subjects sa pamamagitan ng paghahalintulad ng mga ito sa mga mabibigat ngunit masasarap na pagkain. Nagagawa nitong kahit papano maging katuwa-tuwa ang mga nakakatakot na mga subjects sa pamamagitan pagbawas sa mga ito bilang isang pagkain.
                Halimbawa ng isang engkuwentrong nagamitan ng Allison logic:
Estudyante 1: “Grabe, ang hirap ng exam ko bukas… Eng 1!”
Estudyante 2: “Wala yan, toyo lang yan, kaya mo yan!”
Estudyante 1: “Oo nga! Toyo lang ‘to. Kayang-kaya inumin!
Estudyante 2: “Oo, kaya mag-aral ka na nang hindi mo matabig yang toyo mo!”
                Ito ang dalawang magkasalungat na pananaw na nakapalibot sa Allison logic. Ngayon nakakatulong nga ba ito sa pag-aaral o isa nga ba itong daan tungo sa delingkuwensiya?