Kilala sa buong paaralan, malimit na kinaiinggitan, taglay ang halos lahat ng magagandang katangian na hahanapin mo sa isang tao-- hindi ako ito. Ito lang naman ang babaing kasama sa aking mga pangarap. Hindi ko sigurado kung pagmamahal na ba itong nararamdaman ko sa kanya ngunit isa lang ang nasisiguro ko- nais kong “muling” maging malapit sa kanya.
Una kaming naging malapit ni Lisa sa isa’t-isa noong kami’y Grade 1 pa lamang. Ito ang mga kapanahunang inosente pa ang aming isipan; mga kapanahunang punung-puno ng kaligayahan ang aming mga musmos na mukha at sa mga paru-paro pa nakikipaghabulan. Alam pa namin noon ang hilig ng isa’t-isa at nagdadamayan sa tuwing ang isa ay may problema. Nagtagal rin ang ganito naming pagsasama simula noong taong unang nabigyan ng buhay si Harry Potter sa sinehan hanggang sa taong nakalabas na ng Harvard ang Facebook at nabuksan sa buong mundo-- mga apat na taon rin iyon. Simula nung taong iyon, habang parami na nang parami ang nahuhumaling sa paggamit ng Facebook ay parami na rin nang parami ang nagkakagusto kay Lisa. Ako naman ay nawala sa eksena. Naging mahalagang bahagi siya ng maagang parte ng aking buhay. Ngayon, ang mga bahaging ito ay isa na lamang ala-ala.
Nagtataka siguro kayo kung bakit ako nalayo sa kanya. Ito lang ang masasabi ko- isa akong malaking talunan. Ako nga pala si Manuel. Naroon ako sa isang sulok ng canteen, kulot ang buhok at suot ang aking hugis bilog na salamin na lalo pang nagpapalaki sa aking malaki nang mga mata. Madalas mo akong makikita na nagbabasa ng mga libro lalo na ang Harry Potter na aking sinubaybayan simula pa noong aking pagkabata. Madalas ko ring lihim na sinusulyapan ang magandang mukha ni Lisa... ang mukha niyang laging napapalibutan ng kanyang mga sosyal na mga kaibigan at mga masusugid na manliligaw. Tanging ang mga librong ito at ang mga ala-ala ko kay Lisa ang nagpapasaya sa aking mapagisang buhay.
Ngayong araw ay masaya ako ngunit may halong pagkalungkot dahil ngayon ipapalabas ang pangalawa sa kahuli-hulihang pagkakataon bilang isang pelikula ang librong gumawa ng pagbabago sa maraming kabataan na sinubaybayan ito hanggang sa huli. Ang librong naging malaking bahagi sa paghubog ng aking pagkatao- alam na ninyo siguro ang tinutukoy ko. Maaga akong nagpareserba ng tiket upang masiguro ang aking puwesto sa sinehan dahil mabilis magka-ubusan-- nagkaka-ubusan rin kaya ng mga tiket sa mga tagalog films o sadyang tuluyan nang nasakop ng kanluran ang ating puso at isipan?
Ako’y talagang nasasabik na. Nang pumasok ako sa sinehan ay marami nang tao. Hinanap ko ang numero kung saan ako dapat umupo. Madali kong nahanap ang aking upuan ngunit nahirapan akong umupo dahil sa hindi inaasahang pagkakataon...
Anong ginagawa niya dito?! Bakit sa sinehan pa na ito?! Bakit sa tabi ko pa?!
Nakita ko si Lisa sa tabi ng aking upuan....
Nagpapasalamat ako at nagawa ko ring umupo ngunit nakuha nito ang atensyon niya. Nagkatinginan kami sa mata ngunit mabilis kong linayo ang aking tingin. Naramdaman kong bumilis ang aking paghinga at pagtibok ng aking puso. Paulit-ulit na tinatanong ko sa sarili kung bakit siya nandito. Mag-isa lang siya? Nasaan ang kanyang mga kaibigan? Hindi talaga ako mapalagay na siya ang katabi ko... Nawa’y makasunod ako sa daloy ng eksena ng palabas. Kung iniisip ninyo na: "Ano ba yan? Napakaliit naman ng mundo, napakagaling naman ng pagkakataon. Parang hindi naman kapani-paniwala." Pramis, peksman gayon din ang tumatakbo sa utak ko.
Kinalaunan ay napagdesisyunan kong huwag nalang siyang pansinin at panoorin nalang ang palabas. Ngunit sa kalagitnaan ng pelikula ay may isang tinig na nagpabilis nanaman ng tibok ng aking puso... Nagsalita si Lisa at alam kong ako ang kinakausap niya.
“Harry Potter... ito yung mga librong pinapabasa mo sa akin ngunit ayaw ko noong mga bata pa tayo diba?”
Nagulat ako sa aking narinig. Ayon sa aking ala-ala, alam kong tamad siyang magbasa ng libro ngunit hindi ko akalaing may naaalala pa siya tungkol sa akin. Tanging pagtango lang ang aking nasagot. Ilang minuto pa ang lumipas ay nagkaroon ako ng lakas upang magtanong sa kanya.
“Mag-isa ka ata ngayon, hindi mo ba kasama ang iyong mga kaibigan?”
“Kasama ko sila papunta dito ngunit wala silang tiket dahil hindi sila mahilig manood ng mga ganitong klaseng pelikula at nagka-ubusan na. Ako naman, matagal ko nang pinareserba ang tiket ko kaya ako lang ang mag-isa ngayon. Nakahiligan ko na ring magbasa nito dahil sayo, parang ito na nga lang yung ala-ala ko sayo simula nang umiwas ka sa akin. Bakit ka lumayo?”
Nang marinig ko ang mga huling katagang iyon ay pilit kong kinukumbinsi ang sarili na ako ay nasa isang panaginip lamang. Nais ko na lamang matapos ang pelikula at umalis upang buhusan ang sarili ng tubig upang malaman kung totoo ba ito o hindi. Hindi ko akalaing sa pagkahaba-haba ng panahong inakala ko na hindi niya ako makikita pagkat hindi kami pantay ay handa pala siyang bumaba upang makita ako. Hindi ko masagot ang kanyang tanong dahil hindi ako makapagsalita. Natapos na ang pelikula, ako ay tumayo, tumalikod sa kanya at umalis na. Nang kunin ko ang aking unang hakbang palabas ay nanigas ang aking buong katawan. Muntik na akong mawalan ng ulirat. Yinakap ako ni Lisa.
Hindi ko makita ang kanyang mukha pagkat ako’y nakatalikod, ngunit naririnig kong siya’y umiiyak noong sinabi niya sa akin, “Manuel, bakit ka lumayo? Namimiss na kita, sana mabalik yung samahan natin tulad ng dati. Miss na miss ko na ang Manuel na nandyan na kayang-kaya akong pangitiin kahit sobrang bigat na ng lahat sa paligid."
Nang marinig ko ang mga katagang ito mula kay Lisa ay tila mawawasak ang aking puso. Nasaktan ko pala siya nang nagdesisyon akong lumayo mula sa kanya. Pakiramdam ko napakasama kong tao...
Humarap ako sa kanya at sinabing, “Patawarin mo ako Lisa, akala kong ang paglayo ko sayo ay para sa ikabubuti mo. Inisip ko na ang isang ako ay hindi maaaring maging malapit sa iyo. Inisip ko na baka pagtawanan at itakwil ka ng mga kaibigan mo kapag naging malapit ako sayo. Sorry Lisa, naging duwag ako. Sorry, sorry."
Tuwid ang mukha ni Lisa nang ito'y aking pinagmasdan. Ilang saglit pa ang lumipas at walang sinuman ang nagsasalita sa amin. Pinagmasdan ko lang ang napakagandang mukha ni Lisa. Tinitigan ko siya hanggang sa siya'y biglang ngumiti (ang ganda niya lalo!) at sinabing, "Hay nako Manuel, ang drama mo parin! Halika nga rito!"
Yinakap ako ni Lisa. Yinakap namin ang isa’t-isa ng sobrang higpit hanggang sa napansin namin nakalabas na pala ang lahat ng tao sa sinehan. Simula noon nabalik na ang dati naming pagsasama ni Lisa. Masaya kaming sa tuwing kasama namin ang isa’t-isa. Sadyang magkagaanan kami ng loob. Hindi ko pa sinasabi sa kanya ang aking tunay na nararamdaman, bata pa kami at marami pang pagdaraanan. Nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil tinupad niya ang aking panambitan na akala ko’y isang pangarap na lamang. Nakakatawang isipin na ang aking pagmamahal sa isang libro at palabas ay nakatulong upang panatiliin ang nalingid na pagkakaibigan. Ngunit naniniwala ako na ang tunay na dahilan kung bakit muli kami muling nagkalapit ni Lisa ay dahil sa tunay na pagmamahal ng isang kaibigan na sa paglipas ng panahon, kahit magkaroon man ng maraming pagbabago sa inyong mundo, ay mananatiling matatag hanggang dulo.
No comments:
Post a Comment