Hinanap ko ang
aking notes sa Math 14 upang maipahiram. Binuklat ko ang mga ito upang suriin
kung kumpleto ang mga detalyeng nakalagay. Kumpleto naman, ngunit tila may
sobra pa ata…sa isang sulok ng pahina ng aking filler ay nakita ko ang “sobra”
na ito. Ito ay isang pangungusap.
Heto siya:
“We are two points
that can never make a line.”
Ang taon ay 2011 nang kinuha ko ang Math 14…2013
na ngayon. Halos dalawang taon na pala ang nakakaraan. Ang bilis ng oras. Hindi
ko akalain na may nasulat akong ganung klaseng pangungusap sa isang pahina ng aking
filler na punung-puno ng mga teknikal na bagay. Hindi naman sa sinasabi ko na
walang kinalaman sa Math ang pangungusap na ito (isang pangkaraniwang konsepto
sa geometry na ang dalawang points ay maaring makabuo ng isang linya
kung sila ay pagkokonektahin), ngunit, kung titignan mo ang pangungusap, sa
paraan na ginamit ay humigit sa malamang na hindi kapupunahan na ito ay may
kinalaman sa Math.
Nang mabasa ko ang pangungusap, doon nagsimulang
kumalat sa aking isipan ang nakaraan. Doon nagsimulang tumakbo ang mga
ala-alang muling nanariwa sa aking isip. Doon ko siya muling nakita. Ayun siya, isa sa mga pinakamagandang babaeng
nakita ko sa aking buhay. Sa tuwing tumitingin ako sa kanya, hindi ko maiwasang
mapangiti. Hindi ko maiwasang maging masaya sa saglit na iyon na nasulyapan ko
ang kanyang magandang mukha. Ayun siya, noong
nag-top siya sa exam na mas lalo pang nagpahanga sa akin. Hindi lang pala siya
maganda, matalino rin. Ayun siya,
ngunit hindi ko alam ang kanyang pangalan. Ayun siya, ilang metro lang ang aming pagitan ngunit parang ang
layo-layo parin ng agwat ko sa kanya. Magmumukhang hindi isang pagmamalabis ang
tanyag na linyang “langit siya at lupa ako.” Ayun siya at nandito ako, hindi niya napapansin. Ayun siya, halos dalawang taon ang nakaraan… Ayun
siya, ang pangalawang point sa aking pangungusap.
“We are two points that can never make a
line.”
Bow.
No comments:
Post a Comment